-- Advertisements --

Umaabot sa ang 600 locally stranded individuals (LSIs) ang nanatili sa temporary shelter at hindi pa mapauwi ngayon ng pamahalaan kasunod ng pagpapanumbalik sa Metro Manila at ilang karatig-lalawigan sa modified enhanced community quarantine (MECQ).

Sinabi ni Hatid Tulong Program lead convenor at Presidential Management Staff (PMS) Assistant Sec. Joseph Encabo, ilan sa mga ito ay nasa Rizal Memorial Sports Complex habang naghihintay mapauwi sa kani-kanilang lalawigan.

Ayon kay Asec. Encabo, nirerespeto nila ang desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na pansamantalang ipahinto ang pagpapauwi sa mga LSIs dahil sa pagpapanumbalik ng MECQ.

Kasunod nito, nakikiusap ang opisyal sa mga LSIs na hintayin muna ang kanilang abiso bago magtungo sa Rizal Memorial Sports Complex.

Kapag nagluwag na umano ang travel restrictions, ipatutupad nila ang packet send-offs o clustered send-offs nang sa ganun ay mahigpit na maipatupad ang mga health safety protocols.

Magugunitang inulan ng batikos ang nasabing programa makaraang magdagsaan kamakailan ang mga LSIs sa Rizal Memorial Sports Complex at hindi ito na-organisa ng maayos.

Maliban sa hindi nasunod ang social distancing, nabasa pa ng ulan ang mga naghihintay makauwi na mga LSIs.