-- Advertisements --

Naniniwala si PNP chief Oscar Albayalde na hindi umano para sa bansa ang mga narekober na bloke-blokeng cocaine sa eastern seaboard ng bansa.

Ayon kay Albayalde, may posibilidad din na matagal na itong nakalubog sa dagat at ngayon lamang lumutang sa mga dalampasigan.

Sa ngayon, blanko pa rin ang PNP kung sino at saang bansa nanggaling ang mga narekober na cocaine.

Hindi naman isinasantabi ng opisyal ang posibilidad na divertionary tactics lamang ng mga sindikato ang mga narekober na mga ipinagbabawal na gamot.

Aniya, dito sa bansa ay hindi masyadong pinapatronize ang cocaine dahil sa mahal ang presyo.

Una nang sinabi ni PDEA Director-General Aaron Aquino na divertionary tactics umano ito dahil sa mas malaking shipment ng shabu ang nais ipasok ng mga sindikato.

Matagal na raw kasing ginagawang transhipment point ng mga sindikato ang Pilipinas.

Naipasakamay na rin sa PDEA ang ilan sa mga blokeng cocaine para suriin at para mabatid kung saang bansa ito nanggaling.