Pinabulaanan ng pamunuan ng San Juan City Police ang napaulat na pagkakaroon ng robbery at stabbing incident sa isang Chinese restaurant sa loob ng Greenhills Mall.
Una na kasing kumalat ang naturang alegasyon online na nagdulot ng takot at pangamba sa publiko.
Batay sa kumalat na post, sinasabing nagkaroon ng pag-atake ang ilang robbers sa isang branch ng Lugang Café sa loob ng Greenhills Mall.
Sinasabing inatake at sinaksak ng mga ito ang isang babaeng kostumer matapos na tumanggi itong ibigay ang kanyang cellphone.
Ayon kay San Juan City Police chief Col. Deodennis Marmol , walang katotohanan ang kumalat na balitang ito at iginiit na ang post ay fake news.
Tiniyak naman ng PNP ang presensya ng kanilang mga tauhan sa kanilang area of responsibility para mapigilan ang mga masasamang loob.