
Lumobo pa sa 17 ang bilang ng mga ng mga namatay dahil na rin sa mga pag-ulan at pagbaha sa Visayas at Mindanao.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), lima sa mga namatay ay mula sa Bicol, tig-apat naman mula sa Zamboanga at Northern Mindanao, tatlo sa Eastern Visayas at isa sa Davao.
Pero sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, apat pa lamang sa mga namatay ang nakukumpirma.
Sinabi naman ni Office of Civil Defense Joint Information Center head Diego Agustin Mariano na karamihan daw sa mga namatay ay nalunod.
Dalawang katao pa naman ang nananatiling nawawala at pito ang napaulat na sugatan.
Ang mga naranasang pagbaha at pag-ulan ay bunsod naman ng low pressure areas, shear line at northeast monsoons.
Sa ngayon nasa 523,991 katao o 121,950 families ang apektado ng masamang lagay ng panahon sa Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa mga apektadong populasyon, nasa 70,617 persons o13,238 families ang nananatili pa rin sa 123 evacuation centers habang ang 825 individuals o 218 families na nakikitira naman sa ibang lugar.
Dagdag ni Mariano, ang mga rehiyon na labis na binaha ay ang Western Visayas, Eastern Visayas at Zamboanga.
Sa ngayon nasa 307 areas pa ang nananatiling binabaha.
Naitala rin ang 31 landslides incidents dahil sa mga pag-ulan.
Umabot na rin sa 530 na kabahayan ang napaulat na na-damage at 373 dito ang partially at 157 totally damaged.
Ang pinsala naman sa agrikultura ay umabot na sa P252,698,531 at sa imprastraktura ay P165,745,496.
Nakagtala rin ang National Irrigation Administration ng P25,610,000 na halaga ng damage.
Ang state of calamity ay idineklara na sa San Miguel, Leyte; Dolores, Eastern Samar; Gandara at Basey, Samar; at sa Tubod, Lanao del Norte.
Nakapagbigay na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council ng tulong na aabot sa P30,983,980.










