-- Advertisements --

Ipinagkibit-balikat ni Finance Secretary Carlos Dominguez ang scores na ibinigay ng business publications na Bloomberg at Nikkei Asia sa kung paano tinutugunan ng Pilipinas ang COVID-19 crisis.

Noong nakaraang linggo, iniulat ng Bloomberg na nanantili ang Pilipinas bilang pinakamalalang lugar sa panahon ng pandemya.

Base sa COVID Resilience Ranking ng Bloomberg para sa buwan ng Nobyembre, ang Pilipinas ay nasa panghuling puwesto ulit sa loob ng 53 bansa, na mayroong resilience score na 43.1.

Sa naturang report, nakasaad na ang PIlipinas ay nakapagbigay ng 73.2 doses sa kada 100 katao.

Samantala, sa report naman ng Nikkei Asia noong Lunes, mula sa 103rd place noong Oktubre ay umakyat na ang Pilipinas sa 57th place base sa kanilang COVID-19 recovery ranking.

Ito ay dahil sa “significant increase” sa infection management scores na nakuha ng Pilipinas.

Bilang sagot dito, sinabi ni Dominguez na hindi niya masyadong pinapansin ang scoring na ito.

Una sa lahat, hindi naman kasi aniya ito karera ng kabayo. Pangalawa, hindi rin daw niya alam kung paano ginawa ng dalawang business publications ang nasabing scores ng Pilipinas.

Sa halip ay binigyan diin niya na ang case fatality rate ngayon sa Pilipinas ay 45 per 100,000 population na lamang.

Kung tutuusin, malayo ito kumpara sa 350 ng Hungary at 250 katao naman sa kada 100,000 sa Estados Unidos.