Umapela ang Malacañang sa transport group na Manibela na muling pag-isipan at huwag nang ituloy ang ikakasang transport strike sa Abril 15 hanggang 17, dahil hindi umano ito makatutulong sa kasalukuyang kalagayan ng bansa.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, lalo lamang magpapabigat sa sitwasyon ang tigil-pasada, lalo na’t pumapasan ang buong Pilipinas sa patuloy na oil price hike na dulot ng lumalalang sigalot sa Middle East.
Iginiit ng opisyal na sa halip na magkasa ng kilos-protesta, ang pangunahing kailangan ngayon ng bansa ay pag-uusap at maayos na koordinasyon sa pagitan ng gobyerno at ng mga tsuper.
Kasabay nito, mariing pinabulaanan ng Malacañang ang paratang ng Manibela na mabagal ang aksyon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtugon sa serye ng pagtaas ng presyo ng krudo.
Nilinaw ni Castro na bago pa man magkaroon ng banta ng tigil-pasada, ang transport sector na ang unang inasikaso at pinabigyan ng ayuda o subsidiya ng pamahalaan.
Tiniyak din niyang nakikita ng publiko ang mga kaukulang hakbang na ginagawa ng ehekutibo upang maibsan ang epekto ng krisis sa ekonomiya.
Sa huli, nanindigan ang pamahalaan na nananatiling bukas ang kanilang linya para pakinggan ang mga hinaing ng transportasyon at naghahanap sila ng mga mas epektibong solusyon na hindi makaaabala sa biyahe at kabuhayan ng mga ordinaryong Pilipino.










