-- Advertisements --

Inilipat sa house arrest ang dating lider ng Myanmar na si Aung San Suu Kyi matapos ang mahigit limang taon ng pagkakakulong mula nang siya ay pabagsakin nang isang military coup noong 2021.

Sa pahayag ng military leader na si Min Aung Hlaing, sinabi niyang pinagaan ang natitirang sentensya ni Suu Kyi at inilipat ito sa “designated residence,” na epektibong house arrest.

Ipinapakita rin umano sa state media ang larawan ng 80-anyos na si Suu Kyi na nakaupo kasama ang dalawang naka-unipormeng opisyal. Gayunman, nananatiling limitado ang impormasyon tungkol sa kanyang aktwal na kalagayan.

Ayon sa kanyang anak na si Kim Aris, nagdududa siya dahil hanggang ngayon aniya ‘wala pa ring konkretong patunay na buhay at ligtas ang kanyang ina.

Ayon pa sa kanya, ang lumabas na larawan ay kuha pa noong 2022.

“Until I’m allowed communication with her, I won’t believe anything,” ani Aris sa isang panayam.

Sinabi rin ng legal team ni Suu Kyi sa Reuters na wala silang natatanggap na opisyal na abiso tungkol sa kanyang paglipat sa house arrest.

Si Suu Kyi, na ginawaran ng Nobel Peace Prize noong 1991, ay naging simbolo ng pro-democracy movement sa Myanmar at unang naluklok noong 2015 matapos ang mga reporma sa bansa.

Ngunit mula nang kudeta noong 2021, siya ay naharap sa sunod-sunod na kaso na tinawag ng kanyang mga tagasuporta bilang gawa-gawa lamang.

Ang kanyang sentensya na umabot sa 33 taon ay paulit-ulit ding binabaan.

Ayon sa mga analyst, maaaring senyales ng posibleng pagbabago sa kanyang status ang biglaang anunsyo, habang sinusubukan ng military junta na bawasan ang international isolation ng bansa.