KALIBO, Aklan—Isinasapinal na ng lokal na pamahalaan ng Aklan at Malay Tourism Office ang kanilang paghahanda sa nakatakdang pagbisita ng high-end cruise ship na MS Seabourn Encore sakay ang humigit-kumulang na 400 European tourist sa Pebero 13, 2023.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Mr. Nieven Maquirang, executive assistant IV ng Office of the Govrenor na ito ang unang cruise ship na dadaong sa Boracay matapos ang dalawang taong pandemya.
Maliban sa nasabing high-end vessel, may inaasahan pang ibang cruise ship arrivals sa March 3, 6 at 8 na pawang European tourist din ang mga pasahero.
Dagdag pa ni Maquirang na tatagal ang mga turista sa paglilibot sa isla ng walong oras bago magpatuloy sa paglalayag papuntang Palawan.
Sa kasalukuyan ay isinasapinal na rin ang health protocols na ipapatupad kung kaya’t magkaaroon sila ng pulong kasama ang Bureau of Quarantine, immigration sa Manila at port operators para matiyak na magiging maayos ang pagdating ng mga international tourist.
Nasa walong cruise ship ang naka-schedule na dadaong sa Boracay ngayong taon na magdadala ng daan-daang mga turista.
Ang muling pagdating ng mga dayuhang turista sa isla ay inaasahan ang patuloy na pagbuhay sa industriya ng turismo sa Boracay na nalugmok dahil sa pandemya.










