KALIBO, Aklan—Patay ang isang motocycle rider matapos na mabangga ng isang delivery van sa national highway na sakop ng Barangay Poblacion, Makato, Aklan.
Kinilala ang biktimang si Henry Magdayao, 33, residente ng Denila Compound Dulunan, Arevalo, Iloilo City habang ang van driver ay kinilalang si Julius Ticar, 46, at residente ng Cadiz City, Negros Occidental.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Makato Police Station, nangyari ang aksidente sa pakurbang kalsada habang pauwi na ang biktima kung saan, pumailalim ito sa nasabing sasakyan na may kargang mga frozen products dahil sa lakas ng pagkabangga.
Naisugod pa sa Panay Health Care sa bayan ng Kalibo ang biktima ngunit kalaunan ay binawian rin ito ng buhay.
Samantala, nakatakdang i-inquest ngayong araw si Ticar sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide and Damage to Property.