NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos na makabangga sa nakaparadang sasakyang ang minamaneho nitong motorsiklo sa Naga City.
Kinilala ang biktima na si Jason Vicente San Vicente, 42-anyos, residente ng Zone 2, Brgy. Peñafrancia sa nasabing lungsod.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Naga City Police Office, napag-alaman na habang patungo ang biktima sa Roxas Avenue, Barangay Triangulo, Naga City, nang hindi umano nito napansin ang road hump na naging dahilan upang mawalan ito ng kontrol at makabangga sa nakaparadang sasakyan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dahil sa impact ng insidente, nagtamo nang malalang tama ang biktima na agad naman sanang dinala sa ospital ngunit idineklara rin itong dead-on-arrival nang mga doktor.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.