-- Advertisements --

Ibinasura ng Manila Regional Trial Court Branch 51 ang inihaing mosyon ng kampo ni dating Negros Oriental Representative Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. na manatili ito sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ito mismo ang naging resolusyon ng naturang korte sa hiling sana ni Teves na hindi ito mailipat sa ibang kulungan.

Sa kasalukuyan kasi ay nananatili sa loob ng building 14 ng detention facility ng NBI sa lungsod ng Muntinlupa ang dating kongresista.

Maaalala na naghain ng mosyon ang kampo ni former Negros Oriental Representative Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. na huwag itong ilipat sa ibang piitan dahil sa iginigiit nilang security concern.

Samantala, hinggil naman sa usapin ng mga kinakaharap na kaso ng dating kongresista, pinabulaan naman ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio na nais nilang madelay ang proseso ng mga pagdinig.

Kung saan mariin nitong itinanggi na ‘delaying tactics’ umano ang hindi pagpasok ng kanyang kliyente ng ‘not guilty plea’ sa pagbasa ng sakdal.

Kaya’t bunsod nito’y pinag-aaralan raw ng kanilang kampo na posibleng hindi din ito magpasok ng ‘not guilty plea’ sa mga susunod pa nitong pagharap sa pagbasa ng sakdal.

Samantala, sa panig naman ng kampo ni Negros Oriental Congresswoman-elect Janice Degamo, inihayag ng kanyang kampo na ang pagsisimula ng mga ganitong pagdinig ay kritikal na hakbang upang tuluyang makamit ang hustisya.