-- Advertisements --

Nilinaw ng Malacañang na ang moratorium na ipinatutupad ng pamahalaan sa pagpapauwi ng locally stranded individuals (LSIs) ay hindi para sa buong bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nagpupulong ngayon ang Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) at ilan sa mga naaprubahan na nila ay ang moratorium para sa Region VI, VIII, buong isla ng Cebu kasama na ang Mactan at CARAGA region.

Ayon kay Sec. Roque, kaya pansamantalang ipinatitigil ang pagpapauwi ng mga LSIs sa mga nabanggit na rehiyon ay dahil wala nang sapat na lugar ang mga ito para mapaglagyan ng mga kailangang i-quarantine.

Habang ang Cebu at Mactan naman umano ay dahil nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ito.

Nilinaw rin ni Sec. Roque na ang una nang napabalitang naantalang biyahe ng barko papuntang Dumaguete City at Zamboanga City dahil walang PCR test ang mga pasahero ay pinayagan nang makabiyahe.

Inihayag ni Sec. Roque na hindi requirement ang PCR testing para pasakayin ang mga ito at nananatili na ang protocol ay ang pagpiprisinta ng mga pasahero ng health certificate.

Pagdating umano sa probinsya ay saka sasailalim sa PCR test ang mga ito at kung wala namang kakayahan para sa PCR test, kailangang i-quarantine ng 14 na araw ang mga darating na LSIs.