-- Advertisements --

Inianunsyo ngayon ng Government Service Insurance System (GSIS) na pinapalawig nila sa apat na buwan ang moratorium sa pagbabayad ng loans ng mga miyembro at pensioners.

Magugunitang una ng nagpatupad ng three-month moratorium sa debts payments ang GSIS mula Marso hanggang Mayo dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni GSIS president and general manager Rolando Macasaet, kaya hanggang Hunyo na ang moratorium at magbabalik ang kanilang koleksyon ng loan amortizations sa Hulyo.

Ayon kay Macasaet, ang extension ay inaasahang magpapagaan sa sitwasyon ng maraming empleyado ng gobyerno at pensioners na nagkakaproblema sa pera dahil sa COVID-19 crisis.

Kabilang sa mga kuwalipikado sa moratorium ang mga active members, housing loan borrowers, pensioners at inactive GSIS members na nag-avail ng GSIS Program for Restructuring and Repayments of Debts (PRRD).

“We earlier implemented a three-month moratorium from March to May 2020 However, with the continuing crisis and quarantine measures, we made it a four-month moratorium to tide over our members and pensioners,” ani Macasaet.