Posibleng marami pang kaso ang kaharapin ng modelong nanakit ng traffic enforcer sa Maynila nitong nakalipas na araw.
Ayon kay Maj. Rosalino Ibay, Jr., hepe ng Special Mayor’s Reaction Team (SMART) sa City of Manila, maliban sa assault person in authority, alarm and scandal at traffic violation dahil sa kawalan ng lisensya, may mga naungkat pa silang isyu sa suspek.
Nabatid na dalawang ID ang dala ng modelo, kung saan ang isang card ay may pangalang Pauline Mae Altamirano Salamero at sa ikalawa naman ay Maria Hola Sy.
Lumalabas na may iba na ring kinasangkutang isyu ang babaeng suspek, matapos makita ang mukha nito sa naging viral video sa social networking sites.
Samantala, mariin namang pinabulaanan ni Ibay ang alegasyon ng babae na hinipuan siya ng traffic enforcer kaya niya ito sinaktan.
Giit ni Ibay, nakunan ng buong video ang paghuli sa modelo at walang nakitang panghihipo, sa halip malinaw na nai-record ang ilang ulit niyang pananakit sa enforcer.