Magpapakalat ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng traffic personnel sa mga simbahan sa metropolis sa layong maiwasan ang mga nakaharang dulot ng hindi tamang parking ng mga sasakyan at mga vendor.
Ayon kay MMDA Director for Traffic Enforcement Group Victor Nuñez, idedeploy ang mga tauhan ng MMDA sa mga simbahan na madalas na pinupuntahan bilang bahagi ng Visita Iglesia na isang tradisyon na ng mga Kristiyano na pagbisita sa 7 simbahan tuwing Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Bunsod ng inaasahang malaking bilang ng mga bibisita sa mga simbahan, sinabi ng opisyal na papayagan ang street parking subalit ito ay lilimitahan sa pag-okupa lamang ng isang lane.
Umapela naman sa publiko ang MMDA official lalo na ang mga bumibisita sa mga simbahan na maging disiplinado at sundin ang maayos na regulasyon sa kakalsadahan.
Pinaalalahanan din nito ang mga magmamaneho pauwi sa mga probinsiya na suriin muna ang sasakyan para matiyak ang roadworthiness nito.