-- Advertisements --
image 82

Naglabas ng moratorium ang Metro Manila Council sa pangongolekta ng pass-through fees, na alinsunod sa Executive Order (EO) No. 41 ni Pangulong Marcos.

Ang EO No. 41 ay nagbabawal sa mga LGU na maningil ng mga pass-through na toll sa mga pampublikong kalsada at sinuspinde ang pagkolekta ng anumang toll para sa anumang uri ng sasakyang nagdadala ng mga kalakal.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang MMC, na binubuo ng 17 local government units (LGUs), ay nagkakaisang nagpasya na magpataw ng moratorium.

Sinabi ni MMDA Acting Chairman Don Artes na ang moratorium ay makakabawas sa pasanin sa mga mamimili, na madalas na dumaranas ng bigat ng pagtaas sa presyo ng mga produkto at mga bilihin na dulot ng mga nabanggit na bayarin, at makakatulong sa pagsasaayos ng rate ng inflation ng bansa.

Ayon sa MMDA Resolution No. 23-15, ang MMC ay nagdeklara ng moratorium sa pangongolekta ng pass-through fees sa mga pambansang kalsada at ang pagsususpinde sa koleksyon ng anumang uri ng bayad sa lahat ng mga sasakyang de-motor sa ilalim ng Section 153 o 155 ng Republic Act No. 7160 o ang Local government Code of 1991 bilang suporta sa EO No. 41.

Ani Artes na ang mga epekto ng MMDA resolution na sumusuporta sa EO No. 41 ay mararamdaman sa mga susunod na buwan.

Ang lahat ng umiiral na ordinansa ng LGUs sa kalakhang lungsod sa pangongolekta ng naturang mga bayarin ay ipapawalang-bisa o isususpinde dahil sa moratorium na ipinataw ng MMDA.