Opisyal nang inanunsiyo ng Big Hit Music, ang label na humahawak sa sikat na K-pop boy band na BTS ang military discharge ng apat pang miyembro nito.
Sa inilabas na statement ng Big Hit, inanunsiyo nito na nalalapit nang makumpleto ang mandatoryong military service nina RM, Jimin, V, at Jungkook.
Sina RM at V ay nakatakdang ma-discharge sa araw ng Martes, June 10 habang sa sunod na araw o Miyerkules, June 11 madi-discharge naman sina Jimin at Jungkook.
Ang leader ng BTS na si RM o Kim Nam-joon ay kasalukuyang naka-assign sa 15th Infantry Division ng South Korean Army habang si V o Kim Tae-hyung naman ay kasapi ng Special Duty Team ng military police.
Pareho namang na-assign sina Park Ji-min at Jeon Jung-kook sa 5th Infantry Division ng South Korean Army.
Ang military discharge ng 4 na BTS members ay sa gitna ng nalalapit na selebrasyon ng grupo ng kanilang ika-12 anibersaryo sa Hunyo 13.
Samantala, kinumpirma din ng Big Hit ang nakatakdang discharge ng rapper ng BTS na si Suga o Min Yoon-gi sa June 21 na kasalukuyang na-assign sa non-combat role bilang social worker matapos hindi makapag-perform sa regular military service dahil sa kaniyang shoulder injury.
Matatandaan, nauna ng nakumpleto ng dalawa pang miyembro ng BTS na sina Jin at J-Hope ang kanilang military service noong nakalipas na taon.
Inaasahan naman na makaka-reunite ni Jin ang apat na BTS members sa kanilang nakatakdang military discharge habang posible namang hindi makakabalik pa ng South Korea si J-Hope na kasalukuyang nasa kaniyang solo world tour.
Samantala, nagpaalala naman ang music label ng BTS sa fans ng grupo na Army na ang military discharge ng 4 na BTS members ay para lamang sa military personnel at walang nakaplanong special events sa araw ng kanilang military discharge.
Sa kabila nito, inaasahan na magbibigay ng maikling mensahe ang bawat miyembro sa magkakahiwalay na designated location.
Kayat hinihimok nila ang mga fans na huwag nang bumisita sa discharge sites dahil prayoridad nila ang kaligtasan ng kanilang artists at fans.