-- Advertisements --

Inihahanda na ng pulisya ang kasong serious physical injury laban sa mga suspek na tumusok sa mga mata ng isang dentista nitong Miyerkules ng hapon sa lungsod ng Cebu.

Inihayag ni Police Regional Office-7 spokesperson PLt Col Gerard Ace Pelare na natukoy na ang mga salarin base sa positive identification ng biktima at ng testigo.

Gayunpaman, hindi na muna pinangalanan ang suspek dahil hindi pa naisampa ang kaso at kinukumpleto pa ang mga ebidensya ngunit kilala pa umano ang mga ito ng biktimang si Charles Sia na kasalukuyan ngayong nagpapagaling sa pagamutan.

Sinabi pa ni Pelare na personal na alitan umano ang motibong kanilang tinitingnan ng pulisya ngunit maaaring may kinalaman ito sa personal dealings ng biktima sa kanyang negosyo.

Kinondena naman ng Police Regional Office-7 ang nangyari at ipinag-utos ang agarang paglutas nito.