
Nag-inspeksyon ang mga opisyal ng pamahalaang lungsod ng San Juan sa sementeryo at mga kolumbaryo.
Ito ay bilang bahagi ng isinasagawa nilang paghahanda sa paggunita ng undas na taon-taon ng ginagawa ng mga pilipino.
Ayon kay city Mayor Francis Zamora, isasagawa nila ang inspeksiyon upang matiyak na handa na ang mga ito sa pagdagsa ng mga tao na dadalaw sa mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Ipapakalat sa naturang lungsod ang mga miyembro ng san juan police sa iba’t ibang sementeryo at kolumbaryo upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan.
Ipinagbabawal ang pagdadala ng mga speaker at iba pang bagay na lumilikha ng ingay, mga baril at matutulis na bagay tulad ng mga kutsilyo at ice pick, ilegal na droga, at mga inuming nakalalasing.
Ang pagsusugal at pagdadala ng mga bisikleta at motorsiklo sa loob ay hindi pinapayagan.
Ang pagbebenta ng pagkain at pampalamig, bulaklak, at kandila ay papayagan lamang para sa mga binigyan ng special business permit at sa may tarangkahan lamang ng city cemetery.
Nagpaalala din ang alkalde na sumunod sa patakaran upang maging maayos ang pagunita ng Undas.









