LEGAZPI CITY – Tuloy-tuloy pa rin ang nangyayaring kaguluhan sa Lebanon kasabay ng kinakaharap na Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Jocelyn Cortez, OFW sa Beirut Lebanon, iisa lang ang sigaw ng mga mamamayan sa naturang bansa ang bumitiw sa pwesto ng mga nakaupo sa gobyerno dahil umano sa hindi patas na patakaran.
Umabot na aniya sa halos 40 percent ang mga nawalan ng trabaho dahil sa nagpapatuloy na kilos protesta.
Marami na rin aniya na mga overseas Filipino workers OFW ang apektado at nawalan ng trabaho na nakatalaan na ring i-repatriate kung sakaling magbalik-operasyon na ang mga flights sa naturang bansa.
Pinagsusunog at pinagigiba kasi ang mga establisyemento kaya bilang na lang ang mga nagbubukas na kompanya.
Maliban pa dito, nilalagyan rin ng harang ang mga kalsada para hindi makadaan ang mga tao na papasok sana sa trabaho.
Ayun kay Cortez, mas takot pa umano ang mga protesters na mamatay sa gutom kesa mahawaan ng COVID-19 kaya hindi na nasusunod ang social distancing at pagsusoot ng face masks.
Napag-alaman rin na marami na umano ang nagpapakamatay na indibidwal dahil wala ng maipakain sa pamilya na dulot ng nararanasang krisis sa naturang bansa.