-- Advertisements --

Puspusang pinalalakas ng National Task Force Against COVID-19 ang kapasidad ng mga lokal na pamahalaan para makapagsagawa ng sariling testing at quarantine sa kanilang mga kababayan.

Kasunod ito ng pagpapauwi sa mga lalawigan ng locally stranded individuals (LSI) at overseas Filipino workers (OFWs), na naging sanhi naman ng paglobo ng COVID cases sa iba’t-ibang lugar.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 spokesman Ret. M/Gen. Restituto Padilla, mas magiging epektibo ang paghawak sa sitwasyon kung ang bawat probinsya ay kayang magresolba ng problema at hindi na kailangan pang dalhin ang swab samples sa Metro Manila.

Isa pa sa inaagapan ng pamahalaan ang paglaki ng bilang ng mga kailangang i-confine mula sa kasalukuyang bed capacity ng mga ospital.

Kaya naman dinadala na sa ilang bukod na quarantine site ang mga taong kailangang obserbahan, lalo na kung wala naman itong ipinakikitang sintomas ng deadly virus.