-- Advertisements --

Panahon na para magsagawa ng reevaluation ang pamahalaan pagdating sa mga polisiya sa pagko-control ng presyo ng karne ng baboy, ayon sa beteranong ekonomista na si Marikina Rep. Stella Quimbo.

Sinabi ito ni Quimbo sa viber message niya sa Bombo Radyo kasunod nang pag-uulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) kamakailan lang na bumagal pa lalo ang inflation rate sa bansa noong Nobyembre, na pumalo lang sa 4.2 percent mula sa 4.6 percent noong Oktubre.

Paliwanag ni Quimbo, masyado kasing nakadipende pa rin ang mga polisiyang ito sa pagbabawas ng taripang sinisingil at pagpapadami naman ng inaangkat na supply.

Nauna na niyang inihain ang panukalang Affordable Pork Act of 2021, na magtitiyak na sa pagpapababa ng taripa ay bababa rin ang market prices sa pamamagitan nang pagkalampag sa Philippine Competition Commission na gawin ang mandato nito pati na rin ang pagtitiyak na masasawata sa mga cartel.

Nabatid na layon din ng panukala na palakasin ang resiliency ng local pork industry laban sa mga shocks tulad ng African Swine fever dahil ang kikitain sa taripa ay ilalaan sa pagtulong sa mga hog raisers.

Samantala, pinababantayan din ng kongresista ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dahil kahit na mayroong mga rollback kamakailan ay hindi naman ito sapat kaya naman patuloy ang paghingi ng dagdag-pasahe ng mga nasa transportation sector.


Paalala niya na kung lalong tumaas ang presyo ng langis ay damay dina ng presyo ng mga basic commodities.