-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Hiniling ngayon sa pamunuan ng Philippine Military Academy (PMA) ang iba pang indibidwal na boluntaryong magsiwalat sa hawak na mahalagang impormasyon ukol sa panibagong kaso ng hazing.

Ito ay mayroong kaugnayan sa nangyaring pagkasawi ng PMA 4th Class Cadet Darwin Dormitorio dahil sa hazing o physical maltreatment habang nasa kasagsagan ng pagsasanay sa loob ng akademya.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni PMA spokesperson Major Reynan Afan maliban sa hawak nilang nasa 20 persons of interest ay gusto pa nilang makahanap ng ibang tao na mayroong direktang alam sa totoong nangyari kay Dormitorio.

Inihayag ni Afan na hindi palalagpasin ng PMA ang kaso ni Dormitorio upang managot ang nasa likod ng hazing incident na nagdudulot ng malaking epekto sa imahe ng institusyon.

Kung maalala, kasalukuyang nakaburol ang mga labi ng 20-anyos na kadete na mismong pinuntahan ng kanyang magulang na unang humingi ng privacy habang nasa bisinidad ng PMA sa Baguio City.