-- Advertisements --

Binigyang diin ni Acting Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez na kanilang hindi palalagpasin ang mga kumakalat na ‘fake news’ o mapanirang impormasyon laban sa first family o pamilya ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Babala niya’y kakasuhan ang sinuman pasimuno at nasa likod ng pagpapakalat ng ganitong uri ng impormasyon kontra sa unang pamilya.

”No one will be spared, basta mapatunayan namin fake news we will file charges against them,” ani Acting PCO Sec. Dave Gomez.

Kasunod ang kanyang pahayag sa pagsusulong na mapaimbestigahan sa Department of Justice ang isang ‘social media page’ na ‘Malasakit News Pilipinas’ dahil sa umano’y pagpapakalat na fake news.

Partikular niya itong inirereklamo sa DOJ sa kumalat at gawa-gawang istorya tulad ng Energy Lockdown, Fuel Shortage, at Emergency Lockdown.

Naniniwala aniya silang layon lamang ng mga nasa likod nito na makapanloko at magdulot ng ‘panic’ sa publiko kasabay ng kinakaharap na krisis sa gasolina.