
Nagpaalala ang Department of Education (DepED) na ang mga paaralan ay hindi papayagang gamitin bilang vaccination centers o hubs sa panahon ng “Bakunahang Bayan” drive na magsisimula ngayong araw.
Ang DepEd Order No. 051 series of 2022 na nilagdaan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ay inilabas bilang gabay para sa mga mag-aaral, tauhan, magulang, tagapag-alaga, at iba pang stakeholder sa panahon ng Covid-19 vaccination drive ng Department of Health (DOH).
Sa nasabing kautusan, sinabi ng DepED na ang lahat ng mga paaralan nito ay “hindi maaaring gamitin bilang vaccination centers o hubs” at magkakaroon din ng “no cancellation or suspension of classes in schools” sa panahon ng vaccination drive na itinakda mula Disyembre 5 hanggang 7, 2022.
Ipinaliwanag ng DepED na alinsunod sa patakaran nito ng mahigpit na pagsunod sa kalendaryo ng paaralan, ang lahat ng pagsisikap ng paaralan ay dapat “ibuhos sa pagbawi mula sa mga pagkalugi sa pagkatuto at sa pagbabawas ng mga gawaing hindi pagtuturo ng mga guro.”
Bagama’t hindi maaaring gamitin bilang vaccination centers ang mga paaralan, sinabi ng DepED na ang mga Regional Director, Schools Division Superintendents, at DepEd attached agencies ay dapat makipag-ugnayan sa kanilang mga katapat sa DOH sa pag-iskedyul ng kanilang mga tauhan para sa pagbabakuna ng “Bakuunahan Bayan” na maaaring isagawa sa Central Office (CO), Regional Offices (RO), Schools Division Offices (SDO), at DepEd attached agencies.
Ang mga pagbabakuna sa lahat ng mga tanggapang ito, dagdag ng DepED, ay dapat ding “bukas sa pangkalahatang publiko na nagboluntaryong mabakunahan o kumuha ng kanilang mga booster.”










