Posibleng madagdagan pa raw ang bilang ng mga namatay dahil na rin sa masamang lagay ng panahon sa ilang bahagi ng bansa partikular na sa Visayas at Mindanao.
Una rito, sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Office of the Civil Defense Joint Information Center head Diego Mariano ito ay dahil na rin daw sa tuloy-tuloy pa ring pag-ulan, pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang bahagi ng ating bansa.
Sa ngayon, base sa pinakahuling data mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) lumobo na sa 27 ang kabuuang bilang ng mga namatay dahil sa sama ng panahon.
Sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, anim sa mga namatay ay mula sa Eastern Visayas, tig-lima sa Bicol Region at Zamboanga Peninsula, dalawa sa Northern Mindanao at isa sa Davao Region.
Pero sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na sa kabuuang bilang ng mga namatay, 14 pa lamang ang kumpirmado.
Nananatiling tatlo naman ang bilang ng mga namatay at 11 ang napaulat na sugatan.
Kabuuang 614,159 individuals o 151,365 families naman ang apektado sa Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa apektadong populasyon, 83,649 katao o 20,056 families ang nananatili pa rin sa 217 evacuation centers habang 28,847 individuals o 11,519 families ang nananatili sa mga shelter sa ibang lugar.
Lumalabas din na karamihan sa mga nabahang lugar dahil sa sama ng panahon ay sa Eastern Visayas, Western Visayas at Zamboanga Peninsula.
Sa ngayon, nananatiling binabaha ang 279 areas.
Naitala na sa ngayon ang kabuuang 45 landslide incidents dahil sa inclement weather habang nasa 1,281 kabahayan ang na-damage.
Aabot naman sa 912 ang partially at 369 ang totally damaged.
Naitala ang pinsala sa agrikultura ay nagkakahalaga ng P258,372,690 habang ang infrastructure damage ay nasa P171,430,996.
Nakapagtala na rin ang National Irrigation Administration ng P25,610,000 halaga ng damage.
Dahil naman sa masamang lagay ng panahon, idineklara na ang state of calamity sa San Miguel, Leyte; Eastern Samar; Calbayog City, Gandara, San Jorge at Basey, Samar; Tubod, Lanao del Norte at General Luna, Surigao del Norte.