-- Advertisements --
image 33

Sabay-sabay na kinondena ng ilang militante grupo ang pagbisita ni United States Defense Secretary Lloyd Austin III sa tanggapan ng Department of National Defense ngayong araw.

Ito ay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kilos-protesta sa harapan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Camp Aguinaldo, sa Quezon City bandang alas-10:00 ng umaga.

Pagbabasura sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), iba pang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika ang panawagan ng naturang mga grupo.

Binigyang-diin din ng mga ito ang kanilang panawagang paalisin na ng tuluyan ang lahat ng puwersa ng Estados Unidos sa ating bansa.

Habang kabilang din sa kanilang isinisigaw ay ang pagdedemilitarize sa pinag-aagawang lupain sa West Philippine Sea.

Samantala, bukod sa naging pagbisita ng US official sa DND ay mariin din kinondena ng naturang mga indibidwal ang una nang pakikipagpulong nito kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr . kung saan napag-usapan nila ang pagpapalakas pa ng alyansa ng Pilipinas at Amerika, partikular na sa pagtulong ng Estados Unidos sa pagpapalakas ng defense capabilities ng ating bansa.