CAUAYAN CITY – Bibigyan ng emergency employment ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga manggagawa sa pribadong sektor na may problema sa “no work, no pay” sa gitna ng ipinapatupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na magbibigay sila ng emergency employment pero ito ay may katumbas lang na minimum wage.
Ang employer aniya o mismong ang manggagawa ay dapat magreport sa opisina ng DOLE sa kanilang lugar.
Ayon pa sa kalihim ng DOLE, hindi dapat mabahala ang mga manggagawa sa pribadong sektor dahil pansamantala lamang ang hindi nila pagpasok sa trabaho para sa kanilang kaligtasan laban sa Coronavirus Disease (COVID 19).
Pinayuhan ni Secretary Bello ang mga manggagawa na wala sa mga tinaguriang “essential” services na hindi dapat pumasok at manatili na lamang sa kanilang mga bahay.
Aniya, kung may kailangang bilhin sa palengke, restaurant o botika ay isang miyembro lang ng pamilya ang dapat lumabas.