-- Advertisements --

Ikinatutuwa ng Department of Transportation (DOTr) at mga attached agencies nito ang suportang ipinapakita ng mga mananakay sa “No Vaccine, No Ride” policy, na sinimulang pormal na ipinatupad kahapon, Enero 17.

Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, base sa mga reports na kanilang natanggap mula sa kanilang mga tauhan sa ground ay karamihan sa mga pasahero ang handa para sa naturang polisiya.

Boluntaryo aniya nilang ipinapakita ang kanilang mga vaccination cards sa mga enforcers para sa masusing inspeksyon at verification bago payagang makasakay sa pampublikong sasakyan.

Dahil kahapon ang unang araw nang implementasyon ng naturang panukala, tiniketan na lamang ng mga enforcers ang mga lumabag sa No Vaccine, No Ride policy sa halip na kaagad multahan o panagutin ang mga ito dahil sa kanilang non-compliance.

Binigyan diin naman ni Tugade na ang polisiya nilang ito ay paraan para maiwasan ang hawaan ng COVID-19, lalo na kamakailan lang ay nakapagtala ulit nang mataas na pagsirit ng mga kaso sa Metro Manila.

Ito ay paraan din aniya upang sa gayon ay maproteksyunan naman ang mga hindi pa bakunado kontra COVID-19.