Ibinunyag ng isang house leader ang iba pang tumanggap ng confidential funds na kaapelyido ng mga senador, kongresista, at katulad ng isang kilalang bakeshop.
Ayon kay Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union lalong humahaba ang listahan ng mga kahina-hinalang pangalan na inilistang nakatanggap ng confidential fund ni Duterte.
Ayon kay Ortega, lumitaw ang mga pangalang may apelyido ng mga kasalukuyang senador gaya nina “Beth Revilla,” “Janice Marie Revilla,” “Diane Maple Lapid,” “John A. Lapid Jr.,” “Clarisse Hontiveros,” “Kristine Applegate Estrada,” at “Denise Tanya Escudero” bilang umano’y benepisyaryo ng confidential funds.
Bukod sa sumikat na pangalang “Mary Grace Piattos,” sinabi ni Ortega na nasa listahan din sina “Cannor Adrian Contis,” at mga indibidwal na may apelyidong “Solon”: Kris Solon at Paul M. Solon—apelyido na kahawig ni Sarangani Rep. Steve Chiongbian Solon.
Sinabi pa ni Ortega na ang dalas at pagiging malikhain ng mga pangalan ay tila hindi na aksidente kundi maaaring indikasyon ng sistematikong pagtatangkang itago ang tunay na galaw ng confidential funds.
Katulad ng mga naunang nabunyag, sinabi ni Ortega na ang mga bagong pangalan ay wala ring lumalabas na birth, marriage, o death records sa talaan ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Nakatakdang magsimula ang Senado bilang impeachment court sa Hunyo 2. Bagamat wala pang tugon mula sa kampo ni VP Duterte tungkol sa mga kahina-hinalang entry sa listahan, sinabi ni Ortega na maaaring hindi na ito balewalain sa darating na paglilitis.
Para kay Ortega, lumampas na ang isyu sa simpleng clerical error at tila may sinasadyang pagtatangkang itago ang mga tunay na nakinabang sa pera ng bayan.