-- Advertisements --

Sisimulan na rin ng Senado ang pagbabakuna sa mga empleyado nito laban sa coronavirus disease sa oras na dumating na sa bansa ang kanilang inorder na mga bakuna.

Ito ang naging kumpirmasyon ni Senate President Vicente Sotto III.

Nagbigay na raw ng greenlight si National Task Force against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez kaugnay ng pagbili ng mataas na hukom ng 5,000 doses ng Sputnik V vaccine mula Gamaleya Research Institute ng Russia.

“Pinayagan na nila kami — kailangan may tripartite agreement, ‘di ba — doon sa i-import, sa binibili ng Senado (They allowed us — since we need a tripartite agreement — to import and purchase the vaccines),” wika ng senador.

“Tinanong namin delivery, ang sabi either this month or next month” pagbabahagi nito. Tiniyak din ni Sotto na kaagad sisimulan ang pagbabakuna sa mga kawani ng Senado.

Target ng Senado na mabakunahan ang nasa 2,000 empleyado bago muling magsimula ang sessions sa May 17.

Dagdag pa ni Sotto na pinaghahandaan na rin ng Senado ang paglalagyan ng mga bakuna.

Nilinaw naman nito na ang mga bakunang bibilhin ay para lang sa mga kawani at hindi sa mga senador.

“Balewala lahat ng mga batas na ‘yan, ‘yang mga ayuda, balewala ang lahat ng Bayanihan kung wala kaming inaaksyunan. Pati ‘yong kikilusin ng executive department ‘pag dating sa pera, ‘pag hindi kumilos ang Kongreso at Senado…wala lahat yan,” ani Sotto.

Noong Marso nang gawaran ng Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization ang Sputnik V.