Pumalo sa mahigit 400,000 bilang ng mga indibidwal na dumalo sa ginanap na campaign rally kasabay ng selebrasyon ng ika-57 kaarawan ni presidential candidate Vice President Leni Robredo.
Ayon sa local event organizers ng naturang rally, umabot sa 420,000 ang kabuuang bilang ng mga tagasuporta ni Robredo ang dumalo sa #ArawNa10to rally na ginanap sa Macapagal Avenue sa Pasay City.
Sabay na hinarap ito ng tambalan nina Robredo at Sen. Kiko Pangilinan kasama rin ang iba pang mga personalidad na sumusuporta sa kanila.
Present dito ang tatlong anak ng bise presidente na sina Aika, Jillian, at Tricia Robredo, gayundin sina Ogie Alcasid, Regine Velasquez, Janno Gibbs, at iba pang artista tulad nina Julia Barretto, Donnie Pangilinan, Gab Valenciano, at ama nitong si Garry Valenciano.
Dito ay isa-isa rin na inilatag ng Leni-Kiko tandem ang kani-kanilang plataporma, panawagan, at layunin para sa bayan.
Samantala, magugunita na nakapagtala rin ang kampo ni Robredo ng nasa 220,000 na mga tagasuportang dumalo sa ginanap na campaign rally nito sa Pampangga.