-- Advertisements --

Kinuwestyon ng mga miyembro ng tinaguriang Young Guns ng House of Representatives ang survey ng Pulse Asia sa paggamit ng bias at leading questions upang tutulan ang panukalang amyendahan ang Konstitusyon.

Ayon kina House Assistant Majority Leaders Jil Bongalon ng Ako Bicol Partylist, Reps. Paolo Ortega V ng La Union, at Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur na mayroong mga tanong na maaaring nagdulot ng kalituhan sa mga respondents.

Sinabi ni Bongalon na mayroong mga tanong na isinama ang Pulse Asia na hindi kasali sa kasalukuyang panukala na tinatalakay sa Kongreso.

Gaya umano ito ng tanong kaugnay ng pagbabago ng porma ng gobyerno mula unitary system patungong federal system, pagpapalawig ng termino ng mga kasalukuyang nanunungkulan, pagbabago ng sistema ng gobyerno mula presidential system patungong parliamentary system, at paglipat ng lehislatura mula bicameral patungong unicameral.

Bias naman ang tingin ni Ortega sa tanong kaugnay ng pagpayag sa mga dayuhan na pagsamantalahan ang likas na yaman ng Pilipinas.

Binigyan-diin ni Ortega na ang panukala sa Kongreso ay amyendahan lamang ang economic provisions ng Konstitusyon at walang politikal na repormang ipinanukala.

Para naman kay Adiong, mahalaga na maging akma ang mga tanong sa survey sa panukalang pag-amyenda.

Gaya ni Bongalon, sinabi nina Ortega at Adiong na mahalaga ang pagiging eksakto at patas ng mga tanong sa survey.

Ayon kay Ortega mayroong epekto ang biased na mga tanong sa isasagot ng mga respondent sa survey.

Iginiit naman ni Adiong ang kahalagahan ng pagiging tiyak at hayag ng mga survey partikular sa mga isyung nasyonal gaya ng constitutional reform.

Hinimok naman ni Bongalon ang lahat ng stakeholders, kasama ang mga survey company, media, at publiko, na tumulong upang maging malinaw at maintindihan ang mga isyu.

Batay sa resulta ng survey ng Pulse Asia, 74% ng mga respondent ang naniniwala na hindi dapat amyendahan ang 1987 Constitution ngayon at kahit sa ibang panahon.