KORONADAL CITY – Nananawagan ang libu-libong mga bakwit mula sa Maguindanao na kasalukuyang nasa bayan ng Pikit, North Cotabato, na itigil na ang opensiba na ginagawa ng tropa ng gobyerno.
Napag-alaman na karamihan sa mga reklamo ng mga bakwit ang kakulangan sa mga relief goods at mga hindi raw maayos na tulugan kung saan nagkakasakit na umano ang mga kabataan at matatanda.
Sinasabing masama rin ang loob ng mga bakwit dahil karamihan sa mga relief goods na ipinapamigay ng gobyerno ay hindi raw napupunta sa kanila, kundi sa mga nagkukunwaring evacuees.
Dahil sa insidente ay nagalit ang mga ito at bilang pagpapakita ng pagkadismaya ay sinira ng ilan sa mga ito ang kanilang mga tents at gusto na umanong umuwi sa Shariff Saydono, Maguindanao.
Kaugnay nito, nangako ang gobyerno ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pamamagitan ni BARMM minister Naguib Sinarimbo na gagawan nila ng solusyon ang mga problema, ngunit nanindigan ang Armed Forces of the Philippines na hindi pa puwedeng bumalik ang mga sibilyan dahil patuloy pa ang kanilang operasyon laban sa mga teroristang grupo.