-- Advertisements --

Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo na patuloy nitong minomonitor ang mga bagong pahayag at mga developments kaugnay ng pagkamatay sa pagkalunod ng Ateneo student-athletes na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon.

Ayon sa PNP Public Information Office, sinusuri na ng mga imbestigador ang lahat ng bagong impormasyon at pahayag na lumalabas kaugnay ng insidente, bilang bahagi ng masusing imbestigasyon.

Mahalaga rin daw na dumaan sa tamang proseso ang imbestigasyon upang hindi maapektuhan ang pagiging patas nito at maiwasan ang anumang maling konklusyon.

Kasabay nito, kinumpirma rin ng mga awtoridad na hindi pa sila maaaring maglabas ng pinal na desisyon habang sinusuri pa ang mga ebidensiya at testimonya.

Samantala, nag-ugat ang bagong diskusyon matapos maglabas ng pahayag ang isang babae na nagpakilalang “Efi,” na sinasabing estranged wife ni Ateneo Blue Eagles head coach Tab Baldwin.

Sa isang video, iginiit ng babae at ng kanyang anak na ilang beses na nilang binalaan ang Ateneo tungkol sa kaligtasan ng mga estudyante, at nanawagan pa umano sila na alisin si Baldwin sa campus.

May mga mabibigat ding pahayag ang naturang video tungkol sa umano’y pananagutan sa pagkamatay ng dalawang atleta, ngunit hindi pa ito nabeberipika ng mga awtoridad.

Binigyang-diin ng PNP na maaga pa para maglabas ng konklusyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, at lahat ng panig ay binibigyan naman daw ng pagkakataong makapagsalita.

Kasabay ng PNP, nagsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Criminal Investigation and Detection Group, habang may joint review body din na binuo ng Philippine Sports Commission, UAAP, Commission on Higher Education, at National Youth Commission.