Umaasa ngayon ang Cebu City Police Office (CCPO) na bumaba na ang insidente ng pamamaril dito kasunod ng pagkaaresto ng isang umano’y notorious gun-for-hire sa isinagawang operasyon noong Sabado ng gabi, Mayo 27, sa Brgy. Suba. nitong lungsod.
Kinilala ang naaresto na si John Bryan Fernandez, 35 anyos.
Nakumpiska mula sa posisyon nito ang dalawang .45 caliber pistol na may magazine, anim na bala, 55 gramo ng shabu at isang motorsiklo na walang plate number.
Inihayag ni Cebu City Police Office Director PCol Ireneo Dalogdog na batay sa kanilang isinagawang imbestigasyon, lumabas ang pangalan ni Fernandez na konektado sa insidente ng pamamaril dito.
Sinabi pa ni Dalogdog na isinailalim ito sa dalawang linggong surveillance dahil sa pagkakasangkot nito sa ilegal na droga.
Makapagdispose pa umano ito ng 100 hanggang 500 gramo ng shabu kada linggo sa mga barangay ng Pasil, Suba at sa mga kalapit na lugar.
Idinagdag pa nito na lahat umano ng mga utos na natanggap ng suspek ay mula pa sa isang kilalang drug personality at patuloy pa nilang iniimbestigahan.
Sangkot umano sa pagnanakaw ang suspek noong taong 2003 at nadetain ito sa Bagong Buhay Rehabilitation Center kung saan doon pa umano nito nakilala ang ilang mga kilalang drug personalities.
Samantala, inamin pa ng suspek na sangkot ito sa serye ng pamamaril sa lungsod dahil pa umano sa ilegal na droga.
Ibinunyag pa nito na may apat pa sana siyang papatumbahin at tatanggap ng suhol na P50,000 sa bawat matagumpay na pagpatay.
Sa ngayon, nahaharap ito sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.