Hinimok ng mga alkalde ng lalawigan ng Cebu ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na makipag-ugnayan muna sa mga local government units bago magpatupad ang mga ito sa kanilang programa.
Ito’y dahil kapag hindi umano ito maayos na naipatupad at magkaroon ng problema ay sisisihin ng publiko ang mga alkalde at kapitan sa paniniwalang may kinalaman ang mga ito.
Halimbawa nalang umano ang pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) at ng educational cash assistance program kung saan kaliwa’t kanan ang mga reklamo.
Kaya naman kasabay ng isinagawang Provincial Development Council (PDC) meeting noong nakaraang Huwebes, Setyembre 15, nagpasa ng isang resolusyon sina Consolacion Mayor Nene Alegado at Dalaguete Mayor Ronald Cesante na ipaabot sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nasabing mungkahi.
Inaprubahan naman ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang nasabing mosyon.