\
Nag-turn over ang Manila Electric Company o MERALCO sa Anti-Red Tape Authority ng 500 mga computer para tulungan silang makasunod sa isang kinakailangan sa digitalization na dapat ay ganap nang naipatupad noon pang Hunyo 17, 2021.
Sinabi ni Anti-Red Tape Authority Director General, Secretary Ernesto Perez na noong Marso 10 ngayong taon, 219 na local government units lamang sa kabuuang 1,634 ang ganap na automated, habang 287 ang partially automated.
Aniya, ang ganap na pagsunod sa digitalization ay nasa 13 percent lamang, habang ang bahagyang sumusunod ay nasa 31 percent.
Sinabi ni Perez na ang mga dahilan na ibinigay para sa mahinang pagsunod sa nasabing digitalization ay kasama ang kakulangan ng budget, kapasidad, at koneksyon, lalo na sa mas maliliit na Local Government Units na malayo sa mga pangunahing sentro ng ekonomiya.
Kinumpirma naman mga opisyal ng LGU mula sa Rizal at Laguna na napakahirap daw i-digitalize o i-computerize ang kanilang business permit dahil sa kakulangan ng resources at capacity, o mahinang connectivity.
Ang mga opisyal na namamahala sa licensing at permitting ay sasanayin din na nakatuon sa kung paano gamitin ang mga computer, at kung paano gamitin ang software na binuo ng Department of Information and Communications Technology para sa Electronic Business One Stop Shop o EBOSS.
Una na rito, ang 500 computers ay ipapamahagi sa 166 na mga local government units sa ating bansa.