CENTRAL MINDANAO- Naglunsad ang Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa lalawigan ng Cotabato katuwang ang Municipal Health Office sa bayan ng Pigcawayan ng isang mental health activity.
Ayon sa IPHO-Cotabato, layon nitong mabigyan ng professional help, gamot at kaalaman ang mga benepisyaryo nito tungkol sa mental na kalusugan ng isang indibidwal upang maiwasan ang depresyon at mental disorder na maaaring humantong sa pagpapatiwakal dahil sa problema sa pamilya at pagkasawi sa pag-ibig.
Dagdag ng ahensiya, sa naturang aktibidad, nagsasagawa ito ng Mental Health Forum at Information Education Campaign kung saan nagbibigay din sila ng kanilang hotline number kung sakaling kailangan ng payo ang mga benepisyaryo nito.
Nasa mahigit 30 pasyente ang nakabenipisyo sa naturang aktibidad na isinagawa sa Brgy. Balogo, Pigcawayan.
Ayon kay MHO Helario Tenorio, MD, maliban sa konsultasyon ay mayroon ding libreng maintenance medicine na ibinigay sa mga pasyente.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ng Pigcawayan ang patuloy na pagsulong sa mental health awareness sa bayan.










