-- Advertisements --

Nagpakita ng minor Strombolian activity ang Mayon Volcano nitong madaling araw ng Linggo, Abril 5, 2026 habang nagpapatuloy ang effusive eruption nito sa ika-89 na sunod-sunod na araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Batay sa monitoring ng Mayon Volcano Observatory sa Legazpi City, naitala ang aktibidad mula alas-12:32 ng madaling araw hanggang alas-12:39, na ipinakita rin sa time-lapse footage na ibinahagi sa opisyal na X (dating twitter) account ng PHIVOLCS.

Ang Strombolian activity ay uri ng pagsabog kung saan nagpapalabas ang bulkan ng mga puffs o maliit na pagsabog ng lava, gas, at maliliit na bato, sa halip na malakas na pagsabog.

Maaari itong magbuga ng maliit na lava fountains na bumabalik sa paligid ng crater. Ayon sa mga state volcanologists, patuloy na gumagawa ang Mayon ng incandescent lava flows, pyroclastic density currents (PDCs o “uson”), at mga rockfalls habang patuloy na lumalabas ang magma mula sa crater.

Nanatili naman ang Alert Level 3, na nagpapahiwatig ng mataas na antas ng volcanic activity. Ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa 6-kilometrong Permanent Danger Zone dahil sa panganib ng biglaang pagsabog, lava flows, at iba pang mapanganib na materyales.