Tiniyak ni Finance Sec. Sonny Dominguez na may sapat na stamina at resources ang ekonomiya ng Pilipinas para magtagal sa paglaban ng COVID-19 pandemic.
Ginawa ni Sec. Dominguez ang pahayag sa isinagawang press briefing ng economic managers matapos bumagsak na sa recession ang ekonomiya ng bansa sa ikalawang quarter ng taon.
Sinabi ni Sec. Dominguez, malaking bagay ang magandang performance ng ekonomiya ng bansa bago ang pandemic partikular ang maayos na pangangasiwa ng Duterte administration sa pinansya ng gobyerno.
Ayon kay Sec. Dominguez, kabilang dito ang nakuhang magandang credit rating ng bansa at matataas na revenue collection ng Burea of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).
Tiniyak din ni Sec. Dominguez nakalatag na rin ang iba pang measures na nakapaloob sa recovery plan gaya ng panukalang Bayanihan Act 2 na inaasahang maipapasa na sa Kongreso sa susunod na linggo.
Naniniwala din ang opisyal na magkakaroon ng malakas na economic rebound ang bansa pagsapit ng 2021 lalo na kung may bakuna na laban sa COVID-19.
Pero sa kabila ng mga katiyakang ito, iginiit din ni Sec. Dominguez na kailangan pa rin magtipid at mabusisi sa paggastos para sa matagalang laban at malaking dagok ng pandemya sa ating ekonomiya.
“We have resources to endure challenges amid pandemic but must conserve,” ani Sec. Dominguez.
















