-- Advertisements --

Nagpahiwatig si Matteo Guidicelli na nais pa rin ng church wedding sa kapwa artistang si Sarah Geronimo.

Ito’y kahit nagkatuluyan na bilang mag-asawa sa pamamagitan ng kanilang secret Christian wedding noong February 20, 2020 (02-20-20).

Pero ayon sa 30-year-old Fil-Italian actor, magiging tamang panahon lang ang pag-iisang dibdib nila ni Sarah sa simbahan ay kapag nagkaroon na ng bakuna para sa lahat laban sa Coronavirus Disease (COVID).

“When the time’s right, ‘no? Sana, of course, yun naman talaga ang maganda kung may vaccine na tayong lahat,” saad ni Guidicelli.

Unang naging usap-usapan na balak daw nina Matteo at ng 32-year-old singer/actress na ganapin ang kanilang grand wedding sa Italy na magiging “strictly invitational” lamang para sa malalapit nilang kaibigan at kamag-anak.

Hinggil naman sa baby plans, pareho pa rin ang pananaw nila na hindi pa maisingit ang pagkakaroon ng baby.

Kapwa enjoy pa raw sila sa kanilang “honeymoon stage” lalo’t kaunti lang ang naging “quality time” nila noong magkasintahan pa lamang.