May magandang lead ng sinusundan ngayon ang Philippine National Police (PNP) sa kung sino ang mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ito ang inihayag ni Speaker Martin Romualdez na sinabing walang sasantuhin ang gobyerno sa kampanya nito laban sa kriminalidad
malaking tao man o may impluwensiya,sisiguraduhin ng gobyerno na mananagot ang mga ito sa batas.
Binigyang-diin ni Speaker ang naging babala ni Pangulong Marcos sa mga kriminal na maaari silang tumakbo pero hindi sila pwede magtago dahil ginagawa ng mga otoridad ang lahat para mapanagot ang mga ito.
Sa ngayon puspusan ang isinasagawang imbestigasyon ng mga law enforcement agencies kaugnay sa pagpatay kay Gov. Degamo.
Siniguro naman ni Speaker sa mga taga-Negros Oriental na ang utak sa likod ng krimen ay malapit nang maaresto at kanilang sisiguraduhin na mabubulok ito sa kulungan.
“Hindi magtatagal, maipapa-aresto na natin ang utak ng krimen. Pagbabayarin natin ang lahat ng responsable sa krimeng ito. Sisiguruhin ng ating mga awtoridad na mabubulok sila sa kulungan,” wika ni Speaker Romualdez.
Nagtungo nuong Linggo si Romualdez sa Dumaguete City para personal na ipa-abot ang kaniyang pakikiramay sa pamilya ni Gov. Degamo.
Sa ngayon, normal na ang sitwasyon sa lugar, humupa na ang tensiyon matapos siguraduhin ng mga opisyal ng pamahalaan na ginagawa nila ang lahat para resolbahin ang kaso.