-- Advertisements --

Nakatakdang maghain ng reklamo ang Philippine National Police sa isa pang babae na lumabag sa quarantine protocols matapos itong manatili sa kanyang condominium sa halip na sa quarantine hotel.

Pagtitiyak ito ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos sa oras na makahanap ng probable cause ang mga imbestigador laban sa naturang babae.

Ayon kay Carlos, ang insidente na kinasasangkutan ng tinatawag namang “massage girl” ay kasalukuyang iniimbestigahan na ng pulisya.

Nabatid na nagawa pang mag-post ng naturang babae ng kanyang litrato online matapos na magpamasahe kahit pa dapat noong mga panahon na iyon ay nasa quarantine pa siya.

Nauna nang sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na ang naturang babae ay dumating sa Pilipinas noong Disyembre 22 galing sa Estados Unidos.

TInakasan niya ang kanyang quarantine sa isang hotel sa Makati at dumiretso sa kanyang condominium units sa Bonifacio Global City sa Taguig.