-- Advertisements --

Hinimok ng isang kongresista ang Philippine National Police (PNP) na irekonsidera ang planong maglagay at dagdagan ang police visibility sa mga unibersidad at kolehiyo sa bansa.

Umaasa si House Committee on Higher Education Vice Chairman Fidel Nograles na iaatras ng PNP ang planong ito bunsod na rin ng napaulat na pagre-recruit ng New People’s Army sa mga estudyante.

Para kay Nograles, hindi makakatulong sa pag-aaral ng mga kabataan ang binabalak ng PNP na hindi naman talaga bahagi ng pinaka-mandato ng pulisya.

Ayon sa kongresista, trabaho ng PNP na labanan at tugisin ang mga krimen na wala naman sa mga unibersidad at mga kolehiyo sa bansa.

Giit pa nito, hindi maituturing krimen hangga’t hindi lumalaban ang mga estudyante sa gobyerno gamit ang mga aramas.