-- Advertisements --

Iginiit ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na hindi pa rin sapat dahil limitado lamang ang makikinabang sa inaprubahang ₱85 wage increase sa National Capital Region (NCR).

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, sinabi ni TUCP spokesperson Carlos Miguel Oñate na tinatayang 1.1 milyong manggagawa lamang sa Metro Manila ang sakop ng dagdag-sahod, habang hindi ito mararamdaman ng karamihan sa mga minimum wage earners sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

“Definitely hindi pa rin sapat itong P85 pesos na increase. Although pinkaamatas sa Metro Manila,ito po ay ibibigay pa rin in 2 tranches.Tandaan po natin na ang P85 ay wala pa lang sa kalahati sa napag-usapan at pinagkasunduan ng Kongreso na gagawan ng substitute bill,” saad nito.

Ayon kay Oñate, hindi pa rin sapat ang wage hike upang makasabay sa tumataas na presyo ng mga bilihin.

Aniya, ipatutupad pa ito sa dalawang yugto, kung saan ang natitirang ₱25 ay sa susunod na taon pa matatanggap ng mga manggagawa.

“Ang makikinabang lang po dito ay 1.1 million na nasa metro manila. Ang kalakhan ng Luzon, Visayas, Mindanao ay hindi po magbebenipisyo nitong increase. At tandaan ho natin na dalawang hulog pa po ito, literally barya-barya,” dagdag ni Oñate.

Bagama’t makatutulong umano ito upang bahagyang mapataas ang purchasing power, binigyang-diin ng TUCP na kailangan pa rin ng mas malawak na hakbang upang matugunan ang krisis na kinahaharap ng milyun-milyong minimum wage earners sa bansa.