-- Advertisements --

Nagpahayag ng matinding pagdadalamhati ang marine science community sa pagpanaw ng kilalang marine biologist na si Dr. Kent Carpenter, matapos itong pagbabarilin sa kanyang tahanan.

Kinilala si Carpenter bilang isa sa mga nangungunang siyentipiko sa pag-aaral ng coral reefs at marine biodiversity sa Pilipinas. Ayon sa UP Marine Science Institute, malaki ang naging ambag niya upang makilala ang bansa bilang “center of the center of marine shore fish biodiversity” sa buong mundo.

Isa rin siya sa mga nagsulong na gawing National Protected Area at UNESCO World Heritage Site ang Verde Island Passage dahil sa natatanging yamang-dagat nito.

Nanawagan naman si Protect VIP lead convenor Fr. Edwin Gariguez ng masusing imbestigasyon sa pagpaslang kay Carpenter.

Aniya, inialay ng siyentipiko ang kanyang buhay sa pagpapakita sa buong mundo ng kahalagahan ng Verde Island Passage at sa pangangalaga ng mga yamang-dagat ng bansa.

Naglabas din ng pahayag ang Silliman University, kung saan naging research associate si Carpenter sa loob ng halos limang dekada. Ayon sa unibersidad, malaki ang naging kontribusyon niya sa pag-aaral ng marine biodiversity, coral reef conservation, fisheries management, at marine pollution.

Kabilang sa kanyang mga proyekto ang Albatross Re-Collection Project, isang malawakang pag-aaral sa ebolusyon at kalagayan ng yamang-dagat sa Pilipinas, gayundin ang pananaliksik sa epekto ng microplastics sa mga isda at iba pang lamang-dagat sa Negros Oriental.

Nagpahayag din ng pakikiramay ang Department of Agriculture–Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. Ayon sa ahensya, mananatiling buhay ang pamana ni Dr. Carpenter sa bawat siyentipikong kanyang naging inspirasyon at sa mga ecosytem na kanyang tinulungang mapangalagaan.

Bukod sa kanyang mga pananaliksik, nagsilbi rin si Dr. Carpenter bilang scientific adviser ng Pilipinas sa arbitration case kaugnay ng West Philippine Sea, kung saan nagbigay siya ng mga ulat at ebidensiya tungkol sa kalagayan ng mga coral reef sa naturang karagatan.

Aktibo rin siyang nagsagawa ng mga pag-aaral sa Tubbataha Reefs Natural Park.

Patuloy namang hinihintay ng mga awtoridad ang resulta ng imbestigasyon sa pagpatay sa kilalang marine scientist.