-- Advertisements --

Naging maayos at mapayapa ang isinagawang White Ribbon March na dinaluhan ng libu-libong miyembro mula sa iba’t ibang religious, progressive, at civil society groups.

Matapos ang banal na misa na pinangunahan ni Bishop Jose Colin Bagaforo sa EDSA Shrine, sinimulan ang martsa bandang 1:30 ng hapon patungo sa EDSA People Power Monument.

Ligtas na nakarating ang mga kalahok pagsapit ng alas-2:00 ng hapon matapos ang mahigit tatlumpung minutong paglalakad, dala ang mga placards at bandila na may panawagang “Panagutin ang lahat ng sangkot” sa mga isyu ng katiwalian.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Hannah Shiena Sodela, propesor mula sa St. Paul University Manila, na nakiisa siya upang hikayatin ang kabataan na maging mulat at lumaban para sa tapat na pamamahala.

Iginiit naman ni human rights lawyer Maria Kristina Conti na ang korapsyon ang pangunahing dahilan ng kanyang pakikiisa, at hinimok ang pamahalaan na pakinggan ang panawagan ng mamamayan.

Dagdag pa ni Zoe Caballero ng Sentro para sa Tunay na Repormang Agraryo, mahalaga ang mga mapayapang pagkilos upang maipakita ang boses at lakas ng sambayanan.

Samantala, iniulat ni PMaj Hazel Asilo, tagapagsalita ng NCRPO, na nananatiling payapa ang sitwasyon sa Quezon City. Bandang alas-3:30 ng hapon ay umabot na sa 3,730 ang crowd estimate sa paligid ng monumento, at inaasahang posibleng umabot sa 5,000 ang kabuuang bilang ng mga kalahok hanggang sa pagtatapos ng programa ngayong alas-8:00 ng gabi.

Mahigit 2,000 pulis ang idineploy mula EDSA Shrine patungo sa People Power Monument upang matiyak ang seguridad ng mga dumalo.