-- Advertisements --
image 300

Naglunsad ang Bureau of Immigration (BI) ng masinsinang manhunt laban sa isang South Korean fugitive na tumakas sa BI facility sa Taguig City.

Nagawa ni Kang Juchun, 38, na labagin ang perimeter ng pasilidad sa pamamagitan ng pag-scale ng 20-foot na bakod na may mga barbed wire noong alas-dos ng madaling araw ng Mayo 21.

Naniniwala ang mga awtoridad na maaaring nagtamo siya ng mga pinsala matapos mahulog mula sa nasabing bakod.

Isinagawa niya umano ang pagtakas sa isang blind spot sa CCTV camera ng pasilidad kung saan umakyat siya sa bakod at nahulog sa sementadong kalsada.

Sinabi ni Commissioner Norman Tansingco, na agad silang nagpakalat ng mga kinauukulan para sa paghahanap kay Juchun.

Dagdag dito, parehong ipinaalam na sa Department of Justice at South Korean Embassy ang nangyaring insidente.

Sinabi ng hepe ng BI na dinagdagan nila ang taas ng perimeter fence na may mga barbed wire at nagdagdag ng isa pang watch tower upang mapabuti ang seguridad ng pasilidad.

Ayon sa BI, ang dayuhan ay una nang nahuli noong Pebrero 10 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 pagkarating mula sa Bangkok.

Napag-alamang siya ay may red notice hit mula sa International Criminal Police Organization (Interpol) para sa mga kasong pagpatay at pag-abandona sa isang patay na katawan.