CENTRAL MINDANAO-Personal na alitan ang natatanaw ng mga otoridad na motibo sa pamamaril patay sa isang mangangalakal ng basura sa Cotabato City.
Nakilala ang biktima na si Mohammad Ali,37 anyos,may asawa at residente ng Barangay Salimbao Sultan Kudarat Maguindanao.
Ayon kay Cotabato City Police Director Colonel Rommel Javier na habang naglalakad ang biktima sa Notre Dame Avenue Barangay Rosary Heights 2 ng lungsod at nangalakal ng basura ay bigla itong pinagbabaril ng mga hindi kilalang suspek gamit ang kalibre.45 na pistola.
Agad namang tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo.
Patay na nang makita ng mga residente sa lugar ang biktima na agad tumawag ng mga pulis.
Sa ngayon ay patuloy na nag-iimbestiga ang Cotabato City PNP sa naturang pangyayari.